Mister sinaksak, ginilitan ni misis

COTABATO CITY, Philippines – Nahaharap sa kasong pagpatay ang isang 25-anyos na ginang matapos niyang saksakin at ginilitan ng leeg na mistulang hayop ang kanyang kaalitang mister sa Barangay Ladia sa Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte nitong Huwebes.
Kinumpirma nitong Biyernes ni Lt. Col. Esmael Madin, hepe ng Sultan Kudarat municipal police, ang pagkamatay ni Norodin Gumaga Mustapha, 50-anyos, sa naturang insidente.
Agad namang naaresto ng mga pulis at mga barangay officials ang kanyang kabiyak na si Ana Maliga Biwang Mustapha, at ang kanyang kasabwat sa pagpatay kay Mustapha na si Montasir Baito Usop.
Ayon sa mga imbestigador ng Sultan Kudarat Municipal Police Station, unang tinawagan ni Ana si Usop, gamit ang cellphone, at inutusang dalhan siya ng itak o patalim na gagamitin sa pagpatay kay Mustapha.
Dumating si Usop sa kanilang tahanan na may dalang mahaba at matalas na kutsilyong agad niyang ginamit pangsaksak kay Mustapha at nang duguang mabuwal dahil sa saksak, ay kanyang agad na nilaslas ang lalamunan nito.
Hindi na umabot nang buhay sa Cotabato Sanitarium Hospital ang biktima.
- Latest




















