Rider, arestado sa paglapastangan sa simbahan

Motor ipinasok, umupo sa silya ng pari na nakataas paa
MANILA, Philippines — Inaresto ng pulisya ang isang lalaki matapos mapagtripang lapastanganin ang simbahan nang ipasok at paandarin sa loob ang kaniyang motorsiklo, umupo sa upuan ng pari at pumalakpak saka itinaas ang mga paa sa Taal Basilica sa Taal, Batangas nitong Martes.
Sa report ni Captain Rommel Magno, Officer-in-Charge ng Taal Police ang nasabing lalaki na itinago sa pangalang “Berto” ay sakay ng kanyang motorsiklo at dire-diretsong ipinasok ito sa loob ng simbahan hanggang sa malapit at ibaba ng altar ng Minor Basilica and Parish of Saint Martin of Tours o Taal Basilica sa nasabing bayan dakong alas-11 ng tanghali kamakalawa.
Ang insidente ay naganap habang abala ang mga deboto ng Simbahang Katoliko at mga alagad ng simbahan sa paghahanda para sa mga aktibidades kaugnay ng paggunita sa Semana Santa sa susunod na Linggo.
Sa kuha ng Closed Circuit Television (CCTV) camera, pinaandar ng nasabing lalaki na may backrider na babae na sinasabing nobya nito ang kaniyang motorsiklo sa loob ng red carpet ng simbahan hanggang sa paanan ng altar kung saan nag-sign ng krus pa ito saka umupo sa upuan ng pari, pumalakpak pa at itinaas ang paa habang ang kasama nitong babae ay lumakad palabas sa pintuan ng simbahan. Nagpapadyak pa sa may altar ang lalaki saka lumabas ng simbahan na tila hindi batid na nakunan ng video ang kaniyang pambabastos sa simbahan. Walang tao sa loob ng simbahan nang mangyari ang insidente kung saan maririnig ang isang boses ng nagmamantine ng CCTV na ikinadismaya ang insidente.
Sa follow-up operation ay nasakote ng pulisya ang nasabing lalaki matapos ireklamo ng Archdiocese ng Lipa.
Ang babaeng kasama ng nasabing lalaki ay napag-alamang girlfriend nito na sinabing tila wala sa sarili ang kaniyang boyfriend nang isagawa ang pambabastos sa simbahan.
- Latest



















