2 bebot nanguha ng shellfish, nalunod

1 pang bata nawawala
STA. ELENA, Camarines Norte, Philippines — Kapwa patay ang dalawang babae habang palutang lutang sa karagatan nang matagpuan habang isa pang bata ang pinaghahanap matapos na hindi sila nakauwi makaraang magpaalam na mangunguha ng shellfish sa dagat na sakop ng Purok-5, Brgy. Maulawin, Sta. Elena, Camarines Norte kamakalawa ng umaga.
Kinilala ang mga nasawi na sina Tinay, 36-anyos, may-asawa; at Elsa, 32-anyos, dalaga, kapwa residente ng naturang barangay.
Patuloy namang pinaghahanap ng mga awtoridad ang isang batang babae na kasama ng dalawang nasawi.
Sa ulat, alas-11 ng umaga, sinamantala ng tatlo na “low tide” ang dagat sa kanilang lugar at magkakasamang nanguha ng shellfish na kilala sa kanila sa lokal na tawag na “bangkalan.”
Gayunman, umabot hanggang gabi ay hindi pa umuuwi ang tatlo kaya napilitan na ang kanilang mga kamag-anak na mag-report sa mga barangay officials at nagpatulong sa paghahanap.
Kinaumagahan, dakong alas-4 at alas-6 ng madaling araw ay magkasunod na natagpuan ang dalawang babae na palutang-lutang sa dagat at wala nang buhay habang hindi pa natatagpuan ang kasama nilang bata na posibleng nilamon na rin ng dagat.
Pinaniniwalaang inabutan ang mga biktima ng biglaang pagtaas ng tubig o high tide ng karagatan hanggang at sila ay tinangay at nalunod.
- Latest