Killer ng brodkaster sa Laguna, timbog!

2 dekadang nagtago
MANILA, Philippines — Matapos ang 20-taong pagtatago sa batas naaresto ng mga operatiba ng pulisya ang isang pugante na akusado sa pagpatay sa isang broadcaster sa Laguna sa isinagawang followup operation sa Lanao del Norte, ayon sa opisyal nitong Linggo.
Sa report, sinabi ni Major Gen. Nicolas Torre III, ang suspek na kinilala sa alyas “Jalal” ay nasakote sa manhunt operation nitong Abril 4 sa Brgy, Poblacion, Sapad , Lanao del Norte pero kahapon lamang isinapubliko dahil sa isinailalim muna sa masusing imbestigasyon.
Ayon kay Torre, ang akusado ay nakatala bilang most wanted person sa national level at may patong sa ulong P150,000.
Inaresto ng mga operatiba ng PNP-CIDG si Jalal sa bisa ng warrant of arrest sa kasong murder na inisyu ng korte ng Biñan City, Laguna noong 2006.
Nabatid na nagtago ang akusado sa batas sa Lanao del Norte matapos ang ginawang pagpatay umano sa reporter na si Robert Ramos, na isa ring brodkaster ng Katapat community paper sa Laguna na nagsasagawa rin ng radio program.
Sa tala ang biktima ay pinagbabaril na pinapuruhan sa ulo na siya nitong ikinasawi sa Cabuyao, Laguna noong Nobyembre 2005.
- Latest