4 bata naligo sa fishpond, patay!
MANILA, Philippines — Halos gumuho ang mundo ng mga magulang ng apat na paslit na pawang magkakamag-anak matapos silang malunod habang naliligo sa isang bagong gawang fishpond sa Brgy. Bannawag, Diffun, Quirino, ayon sa ulat kahapon.
Sa report ng Quirino Police ang mga nasawi ay ang magkapatid na babae na nagkakaedad 9 at 10-anyos, residente ng La Paz, Saguday, at magpinsang lalaki at babae na kapwa 7-anyos at taga-Brgy. Bannawag, Diffun; pawang sa Quirino.
Bandang alas-2 ng hapon kamakailan habang naglalaro ang mga bata ay nagkatuwaan ang mga itong maligo sa bagong tayong fishpond sa kanilang lugar dulot na rin ng sobrang init ng panahon.
Hindi naman nagpaalam ang mga biktima sa kanilang mga magulang ng magtungo at magsiligo ang mga ito sa fishpond.
Pasado alas-4 ng hapon nang hindi makita ang mga bata sa kanilang pinaglalaruan ay inutusan ng isa sa mga magulang ang anak nito na hanapin ang kaniyang mga kapatid pero hindi ang mga ito matagpuan.
Sa pahayag ng ilan nilang kapitbahay, nakita pa nilang sumakay ang mga bata sa kariton patungo sa bukid sa nasabing lugar.
Naisipan naman nilang magtungo sa bukid at dito’y nagulantang sila ng makitang nakalutang na ang katawan ng mga ito sa fishpond na may 15 metro ang lalim.
Nagresponde naman ang rescue team na pinagtulungang maiahon ang bangkay ng mga batang biktima.
- Latest
















