Ex-Abu Sayyaf na wanted sa kidnapping, timbog

MANILA, Philippines — Matapos ang 15-taong pagtatago sa batas, nasakote ng mga awtoridad ang isang dating miyembro ng mga ektremistang Abu Sayyaf Group (ASG) na wanted sa kidnapping for ransom sa isinagawang operasyon sa lungsod ng Zamboanga nitong Lunes.
Sa report, kinilala ni PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Chief P/Major Gen. Nicolas Torre III ang akusado na si Abu Raba, 52, na nasakote ng CIDG-BASULTa (Basilan, Sulu, Tawi-Tawi) operatives sa Brgy. Dita ng nasabing lungsod.
Ayon kay Torre si Raba ay may warrant of arrest sa kasong kidnapping and serious illegal detention na inisyu ng korte ng Isabela City, Basilan noong Hulyo 2009.
Sa imbestigasyon, nabatid na si Raba ay nasa ilalim ng pamumuno ng napatay sa engkuwentro na si Isnilon Hapilon, commander ng Abu Sayyaf Group sa sa Basilan.
Sinabi ni Torre, ang suspect ay sangkot din sa Golden Harvest kidnapping sa Brgy. Tairan, Lantawan, Basilan noong 2001, at sa mga extortion activities, engkuwentro, pamamaslang at pananambang sa tropa ng militar sa lalawigan.
Nabatid na matapos na maisyuhan ng warrant of arrest ng lokal na korte ay nagtago na si Raba na mula sa Basilan hanggang sa mga isla ng Bangsamoro Autonomous Region at Zamboanga Peninsula.
- Latest

















