260 bahay natupok sa sunog sa Sorsogon

PILAR, Sorsogon, Philippines — Aabot sa 260 na bahay ang nilamon ng nagngangalit na apoy sa loob lamang ng ilang oras matapos ang pagsiklab ng sunog residential area sa bayabyin ng Brgy. Banuyo, Pilar, Sorsogon kamakalawa ng tanghali.
Sa ulat, dakong alas-12:35 ng tanghali nagulantang ang mga residente ng naturang barangay makaraang makita na malaki na ang sunog sa mga kabahayan. Dahil sa malakas na hangin ay mabilis na kumalat ang apoy sa mga kabahayan dahilan para mag-mistulang impyerno ang buong komunidad. Mabilis na nagtulung-tulong ang rumespondeng fire trucks mula sa ibat-ibang bayan ng lalawigan upang maapula ang apoy.
Agad nagbigay ng direktiba si DSWD Sec Rex Gatchalian at inatasan si regional director Norman Laurio na magbigay ng tulong sa mga nasunugan. Umabot lahat sa halagang 4,074,243 pesos na emergency aid kasama ang food at non-food packs ang naipamigay sa mga apektado.
Tumulong na rin ang lokal na pamahalaan ng Pilar sa pangunguna ni Mayor Carolyn Sy-Reyes. Pansamantalang pinatuloy muna ng lokal na pamahalaan ang mga residente sa Brgy. Banuyo at Bonifacio covered courts.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga kasapi ng Bureau of Fire Protection para matukoy ang pinagmulan ng sunog at halaga ng pinsala nito.
- Latest