2 parak todas sa drug bust sa Bulacan!

BOCAUE, Bulacan, Philippines — Patay ang dalawang pulis matapos mabaril ng pinaghihinalaang armadong tulak sa kanilang isinagawang buy-bust operation sa Brgy. Tambubong, dito sa bayan, kahapon.
Kinilala ang mga napatay na pulis na sina PStaff Sgt. Dennis Cudiamat at PStaff Sgt. Gian Dela Cruz, kapwa nakatalaga sa Bocaue Police Station at residente ng Brgy. Poblacion, Bocaue, Bulacan.
Sa report ng Bocaue Police, naganap ang insidente nitong tanghali ng Marso 8 sa Sitio Tugatog, NIA road, Brgy. Tambubong.
Ayon sa report, sa kasagsagan ng operasyon ay bigla na lamang namaril ang suspek. Nasapol ng bala sa ulo ni Cudiamat na agarang ikinamatay nito samantalang si Dela Cruz ay tinamaan din na isinugod sa ospital subalit binawian din ng buhay kalaunan.
Nabatid sa report na bago tumakas ang mga suspek sa direksyon patungong bayan ng Pandi ay nagawa pa nilang kunin ang mga service firearm ng mga biktima.
Habang sinusulat ito, sinasabing hawak ng mga awtoridad ang isa sa suspek habang tinutugis pa ang kanyang kasamahan.
- Latest