Police car grinanada: 2 sugatan

COTABATO CITY, Philippines — Dalawa katao ang sugatan matapos na hagisan ng granada ng ‘di killaang suspek ang isang police vehicle na galing sa pagpapatrolya at bumabagtas sa highway ng Barangay Osias sa Kabacan, Cotabato nitong Biyernes.
Ang mga biktima, isang katiwala ng chicken barbecue sa gilid ng kalsada at isang volunteer community watchman na kapwa nagtamo ng mga sugat sa katawan dulot ng mga shrapnel mula sa sumambulat na granada ay agad dinala ng mga emergency responders sa ospital upang malapatan ng lunas.
Sinabi kahapon ng Kabacan Municipal Police at mga local executives na sakay ang mga pulis sa patrol car at pabalik na sana sa kanilang istasyon mula sa law-enforcement mission nang biglang may maghagis ng granada at biglang sumabog ito sa ilalim ng kanilang sasakyan saka mabilis na tumakas ang suspek. Minalas namang tamaan ng mga shrapnels ang dalawang biktima na nasa lugar.
Ayon kay Col. Gilberto Tuzon, Cotabato provincial police director, nakikipagtulungan na ang mga barangay official sa pulisya upang matukoy ang bomber.
Sinabi naman ni Brig. Gen. Donald Gumiran, commander of the Army’s 6th Infantry Division, ginagalugad na rin ng mga intelligence agents ng 602nd Infantry Brigade na may hurisdiksyon sa Kabacan at kalapit na mga bayan bilang tulong sa mga pulis upang mahuli ang suspek.
- Latest




















