LTO staff sa BARMM itinumba sa Pikit!
COTABATO CITY, Philippines — Patay sa mga tama ng bala ang isang opisyal ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) na empleyado ng Bangsamoro Land Transportation Office (LTO) nang tambangan ng mga armado sa Pikit, Cotabato nitong Biyernes.
Sa ulat ng Cotabato Provincial Police Office at mga Bangsamoro regional officials, nililinisan ni Johnson Endil ang kanyang sasakyan sa labas ng kanilang bakuran sa Sitio Amanah sa Pikit, Cotabato nang lapitan ng mga armadong kalalakihan at halinhinang pinagbabaril na nagsanhi ng kanyang agarang kamatayan.
Mabilis na tumakas ang mga bumaril kay Endil, Liguasan area secretary ng MILF at municipal chief ng Bangsamoro LTO sa Pikit, Cotabato.
Agad kinondena ni BARMM Transportation and Communications Minister Paisalin Pangandaman Tago at ng mga directors ng mga ahensyang nasa ilalim ng kanyang pamamahala ang pagpatay kay Endil, na aktibo sa pagtulong sa liderato ng MILF, sa pulisya at militar sa pag-areglo ng mga madudugong “rido” o away ng mga angkan, sa Pikit at iba pang bayan sa Cotabato.
Hiniling na ni Tago kay Brig. Gen. Romeo Macapaz, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, at sa namumuno ng Region 12 Police Office na si Brig Gen. Arnold Ardiente na madaliin ang pagkilala sa mga pumatay kay Endil upang masampahan ng mga kaukulang kaso.
- Latest