Lalaki pinugutan saka itinapon sa kalsada
MILAGROS, Masbate, Philippines — Karumaldumal na kamatayan ang sinapit ng isang lalaki matapos na pugutan ng ulo at itinapon sa tabi ng Zigzag road, Brgy. M. R. Espinosa, Milagros, Masbate kamakalawa ng hapon.
Dinala na sa punerarya ng bayan ang walang ulong biktima na nakilala sa suot nitong maroon sweatshirt at gray na jogging pants na si alyas “Randy”, nasa hustong gulang at residente ng Brgy. Buenavista sa bayan ng Uson.
Habang sinusulat ang balitang ito ay wala pang ulat ang pulisya kung natagpuan na ang ulo ng biktima.
Sa ulat, dakong ala-1:45 ng hapon nagulat ang ilang mga motorista at residenteng dumaraan sa naturang kalsada nang tumambad sa kanila ang nakabulagtang bangkay ng lalaki na walang ulo na nakatihaya sa damuhang bahagi sa tabi ng kalsada.
Pinaniniwalaang pinaslang ito sa ibang lugar at posibleng itinapon lang ang bangkay sa naturang lugar na malayo sa mga kabahayan.
Mahigpit namang iniimbestigahan ng mga pulis ang motibo at pagkakakilanlan ng mga salarin habang “hustisya” ang sinisigaw ng mga kaanak sa mabait umanong biktima.
- Latest