Nanay, 2 paslit anak patay; tatay sugatan sa trak
ANGAT, Bulacan, Philippines — Namatay noon din ang isang ina at dalawa nitong anak na paslit habang sugatan ang ama matapos na madaganan ang kanilang van ng isang trak, kamakalawa ng gabi sa Sitio Tugatog Brgy.Marungko ng nabanggit na bayan.
Sa report na nakarating kay PBGen. Redrico A Maranan PRO3 regional director, kinilala ang mga nasawi na sina Angielyn Herrera; at anak na sina Andrie Herrera, 6; at Sky Herrera, 2; habang nasugatan ang ama na si John Jovy Herrera.
Sa imbestigasyon ng pulisya, alas-9:00 ng gabi ay kapwa binabagtas ng Howo truck na may plate No. NBB7921 na minamaneho ni John Arn de Castro, 26, ng Brgy. Sapang Putik, San Ildefonso, Bulacan at Mitsubishi L300 van na may plate No. PIE 431 na minamaneho ni Herrera ang matarik na kalsada nang mawalan ng control ang trak na nagresulta upang tumaob ito at madaganan ang sasakyan ng mga biktima.
Agad na dinala sa Norzagaray Public Hospital ang mga biktima na kalaunan ay dineklarang dead on arrival ang mag-iina habang patuloy na ginagamot ang ama.
Nasa kustodiya na ng pulisya si De Castro at sinampahan ng kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide (3 counts), Serious Physical Injury at Damage to Property.
- Latest