COTABATO CITY, Philippines — Arestado ang isang babaeng umano’y drug den operator at anim niyang kasabwat matapos ang ikinasang buy-bust operation ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Barangay Panang, Wao, Lanao del Sur nitong Lunes.
Sa pahayag nitong Miyerkules ni Gil Cesario Castro, director ng PDEA-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, nasa kustodiya na nila ang drug den operator na si Masigay Tumbaji Daut at mga kasamang sina Disinon Moda Mabagur, Aliton Tumbaji Daut, Era Daut Orab, Montasir Tumbaji Daut, Maulana Mago Abad at Dioselito Ayson Capucao.
Agad silang inaresto ng mga PDEA-BARMM agents at mga pulis mula sa mga units ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region matapos mabilhan ng P102,000 halaga ng shabu sa kanilang drug den sa Barangay Panang, bayan ng Wao.
Nasamsam din sa operasyon ang ilang mga paso na may bagong tanim na marijuana sa isang sulok ng drug den ng mga suspects, ayon kay Castro.