Panawagang ipagpaliban ang BARMM polls, pinalakas pa ng Bangsamoro governors

The BARMM administration building in Cotabato City.
PNA / Photo courtesy of Bangsamoro Information Office-BARMM

MANILA, Philippines — Hiniling ng mga gobernador ng  Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang pagpapaliban sa unang regular parliamentary elections ng rehiyon.

Sa isang pahayag na inilabas nitong Miyerkoles, tinukoy ng mga gobernador ang desisyon ng Korte Suprema na hindi isama ang Province of Sulu sa BARMM bilang pangunahing dahilan sa pagpapaliban.

Ang apat na signatories ay sina Basilan Gov. Jim Hataman Salliman, Lanao del Sur Gov. Mamintal Alonto Adiong Jr., Maguindanao del Norte Gov. Abdulraof Macacua at Tawi-Tawi Gov. Yshmael Sali.

Iginiit ng mga opisyal na ang desisyon ay kinakailangan para magkaroon ng panahon para sa  reconfiguration ng electoral districts at sa pagrerebisa sa Bangsamoro Organic Law (BOL).

Sinabi rin nila na ang pagpapatuloy sa eleksiyon sa ilalim ng kasalukuyang mga pangyayari ay magkokompromiso sa integridad ng electoral process at mga tuntunin na nakasaad sa BOL.

Nagpahayag din sila ng pagkabahala sa pantay-pantay na representasyon ng mga nalalabing  lalawigan sa BARMM at sa epekto ng desisyon ng Korte Suprema sa isinasagawang transition process.

Hiniling ng mga gobernador sa Kongreso na magpasa ng batas na nagpapaliban sa eleksiyon sa  May 11, 2026 dahil ang pag-antala, anila, ay magbibigay-daan sa “mas komprehensibo at electoral process”.

Show comments