2 guro, estudyante sakay ng motor, dedo sa truck
COTABATO CITY , Philippines — Patay ang dalawang college teachers at isang estudyanteng sakay ng isang motorsiklo na lumihis at nakabangga ng kasalubong na pick-up truck sa isang bahagi highway sa Barangay Crossing Rubber sa Tupi, South Cotabato nitong gabi ng Biyernes, October 25, 2024.
Sa ulat nitong Sabado ng South Cotabato Provincial Police Office, hindi na umabot ng buhay sa pagamutan ang mga biktima ng aksidente na kinilalang sina Rezile De Padua at Glykiel Jade Bico, parehong college teachers, at ang criminology student na si Jonaira Ambaco, lahat mga babae.
Sina De Padua at Bico ay mga professor ng Southeast Asian Institute of Technology sa Tupi, hindi kalayuan sa Koronadal City na siyang kabisera ng South Cotabato.
Sakay ng isang motorsiklo sina De Padua, Bico at Ambaco, patungo sana sa isang lugar sa Tupi mula sa Koronadal City nang sila ay lumihis, nagawi sa kaliwang bahagi ng highway at nakasalubong ang Toyota Hilux pick-up truck na mabilis ang takbo.
Kinumpirma nitong Sabado ni Brig. Gen. James Gulmatico, director ng Police Regional Office-12, na nasa kustodiya na ng Tupi Municipal Police Station si Anthony Teloren, ang driver ng sasakyang binangga ng motorsiklo ng tatlong mga babaeng nasawi, na boluntaryong sumuko sa mga pulis na nagresponde sa insidente.
- Latest