4 patay, 14 sugatan sa pagsabog sa bodega ng paputok
COTABATO CITY, Philippines — Apat ang patay habang 14 na iba pa ang sugatan matapos ang sunod-sunod na pagsabog sa loob ng isang bodega na may mga nakaimbak na pyrotechnics at firecrackers sa Barangay Tetuan, Zamboanga City nitong Sabado ng hapon.
Sa mga hiwalay na ulat ng mga opisyal ng Zamboanga City Police Office at ng mga kawani ng City Disaster Risk Reduction and Management Office, apat katao, isa sa kanila ay menor-de-edad ang mga nasawi sa insidente.
Kasalukuyan pang inaalam ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng mga nasawi.
Maagap namang naisugod ng mga emergency responders sa ibat-ibang pagamutan ang 14 kataong nagtamo ng mga sugat sanhi ng mga serye ng pagsabog, ilan sa kanila mga bata at mga babae.
Nag-utos na ang director ng Police Regional Office-9, si Brig. Gen. Bowenn Joey Masauding, ng malalim na imbestigasyon sa insidente.
Tiniyak naman ni Mayor John Dalipe, chairman ng Zamboanga City Disaster Risk Reduction Management Council, ang ayuda para sa mga pamilya ng nasawi at mga na-ospital sanhi ng insidente.
- Latest