Lupa, posisyon, birth certificate babawiin ng gobyerno kay Alice Guo
MANILA, Philippines — Hindi lamang ang Filipino birth certificate at posisyon bilang mayor kundi maging ang lahat ng nabiling real properties ang babawiin ng gobyerno kay Bamban Mayor Alice Guo o Guo Hua Ping, ayon kay Senator Sherwin Gatchalian.
Tiniyak ng senador na mapo-forfeit ng gobyerno ang lahat ng ari-arian ni Guo noong magpanggap siyang Filipino.
Tanging mga Filipino citizen lamang aniya ang puwedeng bumili ng lupa sa Pilipinas.
“Mafo-forfeit ito ng gobyerno dahil hindi siya eligible sa pagbili ng lupa dahil hindi siya Filipino citizen. Filipino citizens lang ang pwedeng bumili ng lupa sa Pilipinas,” ani Gatchalian.
Ang Office of the Solicitor General aniya ang maghahain ng kaso para mabawi ang mga dapat bawiin kay Guo kabilang ang pagkansela ng kanyang birth certificate.
“Gayon din, dapat mai-file na yon quo warrant case laban sa kanya para matanggal siya sa pagka-mayor niya dahil hindi na siya Pilipino,” ani Gatchalian.
Sa Statement of Assets Liabilities and Net Worth (SALN) ni Guo na may petsang Disyembre 31, 2022, nakalagay na mayroon itong siyam na real properties.
Kabilang sa ari-arian ng suspendidong mayor ay anim na real properties sa Marilao. Bulacan, dalawa sa Bamban, Tarlac at isa sa Capaz, Tarlac.
Ayon kay Gatchalian, may binili ring malaking lupa sa Alabang si Guo.
“Actually, may binili pa siya na malalaking lupa sa Alabang. Na sa SALN niya yon,” ani Gatchalian.
Nauna rito, kinumpirma ng National Bureau of Investigation na magkapareho ang fingerprints ni Guo at ng Chinese citizen na si Guo Hua Ping.
Sinabi ni Gatchalian na wala pang impormasyon ang NBI tungkol sa Alice Leal Guo na kumuha sa kanila ng clearance at kung totoong tao at nasaan na ito.
- Latest