Mga testigo, pamilya nakatanggap ng death threat
Sa pagdukot ng 4 pulis sa 2 drug suspect
CAMP VICENTE LIM, Laguna , Philippines — Humingi ng tulong sa awtoridad ang pamilya at mga saksi sa kasong kidnapping ng dalawang drug suspect dahil sa takot sa kanilang buhay matapos silang makatanggap ng death threat mula sa hindi kilalang mga indibidwal.
Matapos na masampahan ng kasong kidnapping at robbery ang sangkot na apat na pulis sa City Prosecutor’s Office ng Calamba, noong nakaraang buwan, kinumpirma ni National Police Commission (Napolcom)-Calabarzon director Owen De Luna, na nakatatanggap ang mga saksi at miyembro ng pamilya ng mga kidnap-victims ng mga pagbabanta sa kanilang buhay.
“Nang makarating ang impormasyong ito sa Napolcom-Calabarzon, agad naming inaksyunan ang seguridad at kaligtasan ng mga testigo, kaya, sa ngayon, bago ang pagdinig, mayroon nang banta na natanggap ang pamilya,” ayon kay De Luna.
Ang mga pulis na sangkot sa kaso ay tinukoy lang sa mga alyas na Capt. Nat, S/Sgt. Mal, Cpl. Cas at isang Patrolman Satur. Sila ay kabilang umano sa walong armadong lalaki na dumukot sa dalawang drug suspect sa Brgy. Parian, Calamba City noong Enero 11 na hanggang ngayon ay nawawala pa rin ang dalawa.
Sinabi ni De Luna na agad silang nakipag-ugnayan sa kaukulang awtoridad ng pulisya para mabigyan ng kinakailangang tulong at seguridad ang pamilya at mga saksi sa kasong kidnapping.
Aniya, ang hindi matukoy na bilang ng mga pulis ay naatasang bantayan at protektahan ang mga miyembro ng pamilya at mga saksi.
“Natukoy na natin ang isa sa mga respondent na pulis para sa posibleng nasa likod ng banta at pananakot sa pamilya. Nagsasagawa kami ng imbestigasyon para sa usapin,” sabi ng Napolcom official.
Bukod sa kasong criminal, nahaharap din ang apat na pulis sa kasong administratibo.
Magugunita na apat na pulis din ang kinasuhan sa pagkidnap sa isang resort caretaker sa Los Baños City noong Marso 26. Nananatili ring nawawala ang mga caretakers ng resort.
- Latest