Karera ng kalabaw sa Quezon, umariba

Ang mga magsasaka habang nagkakarerahan sakay ng kani-kanilang mga alagang kalabaw sa selebrasyon ng Mayohan sa Tayabas, Quezon kahapon.
Photo: CICRO Tayabas

TAYABAS CITY, Philippines — Labinlimang kalalakihang sakay ng kanilang mga alagang kalabaw ang nagpakitang-gilas sa karerahan sa ginanap na selebrasyon ng Mayohan sa Tayabas, Quezon province kahapon.

Hinati sa tatlong batch ang mga kalahok at ang unang maka-ikot pabalik sa starting line sa bawat batch ang panalo sa preliminary round.

Nagwagi sa kani-kanilang batch sina Felix Casino, Noriel Aranilla at Roque Macasinag Jr., at sila ang naglaban-laban para masungkit ang kampeonato.

Pinatunayan ng mag-among Felix Casino at ng kanyang kalabaw na mabilis silang kumaripas ng takbo kaya nagwagi at tumanggap ng P7,500 cash prize dagdag pa ang Best in Costume award na may premyong P2,000.

Pumangalawa si Noriel Aranilla at ang kanyang kalabaw na may premyong P6,000 cash, at si Roque Macasinag ang nakakuha ng 3rd place na tumanggap ng P4,500.

Lahat naman ng lumahok ay tumanggap ng P2,000 consolation prizes.

Taunang isinasagawa ng Tanggapan ng Panlungsod na Pagsasaka (City Agriculture Office) ang Karera ng Kalabaw bilang bahagi ng pagdiriwang ng Mayo­han sa Tayabas Festival. Pagpupugay ito sa mga magsasaka na sa kabila ng pagiging moderno ng teknolohiya ay patuloy pa ring katuwang si kalakian o ang kanilang kalabaw sa pagsasaka.

Show comments