P861 milyong marijuana nakumpiska sa Kalinga sa 9-araw na operasyon

Ang operasyon ay pinangunahan ni PDEG Director Police Brig. General Eleazar Matta katulong ang Philippine Drug Enforcement Agency, Philippine Air Force, Philippine Coast Guard, at National Intelligence Coordinating Agency (NICA).
STAR/File

MANILA, Philippines — Umaabot sa P861.9 milyon halaga ng marijuana ang winasak matapos na nasamsam ng Philippine Drug Enforcement Group (PDEG) at iba pang law enforcement agencies sa ikinasang 9 na araw na operasyon sa Mt. Chumanchil sa bayan ng Tinglayan, Kalinga.

Ang operasyon ay pinangunahan ni PDEG Director Police Brig. General Eleazar Matta katulong ang Philippine Drug Enforcement Agency, Philippine Air Force, Philippine Coast Guard, at National Intelligence Coordinating Agency (NICA).

Nabatid na isinagawa ang operasyon mula Abril 29 hanggang Mayo 7, 2024.

Batay sa ulat ng PDEG, aabot sa 195,100 metro kuwadradong taniman ng Marijuana ang kanilang sinalakay na nasasakupan ng mga Barangay Buscalan at Loccong kung saan nasamsam ang nasa halos isa’t kalahating tonelada ng full grown marijuana plants.

Sa pagtaya ng Dangerous Drugs Board (DDB) aabot sa P861,900,000.00 ang halaga ng mga winasak na tanim na marijuana subalit walang naaresto sa mga ikinasang operasyon.

Bagama’t walang naaresto na mga maintainer sa mga taniman ng marijuana, tiniyak naman ni Matta na hindi sila tumitigil sa pagkakasa ng mga pagtugis para panagutin ang mga nasa likod ng mga iligal na pataniman ng marijuana.

Show comments