Lalaki inakalang inatake sa puso, tepok pala sa pamamaril

Kinilala ang biktima na si alyas “Alvin”, 49-anyos, residente ng Sitio Munting Paraiso, Brgy. Ibayo Estacion, Naic, Cavite. 
STAR/File

CAVITE, Philippines — Patay sa pamamaril ang isang 49-anyos na lalaki na inakalang inatake sa puso subalit nang buhatin ito ay nadiskubreng may tama ng bala sa katawan, kamakalawa ng hapon sa Brgy. Ibayo Estacion, bayan ng Naic, lalawigang ito.  

Kinilala ang biktima na si alyas “Alvin”, 49-anyos, residente ng Sitio Munting Paraiso, Brgy. Ibayo Estacion, Naic, Cavite. 

Sa ulat ng pulisya, alas-4:30 ng hapon nang ma­diskubre diumano ng kapitbahay ang nakahandusay na biktima sa loob ng bahay nito.

Sa salaysay ng kapitbahay sa pulisya, nang nasabing oras narinig umano nito ang sunud-sunod na tahol ng aso ng biktima. Nang tunguhin nito ang bahay ng biktima, nakita umano nito na padapang nakahandusay sa loob at inakalang inatake sa puso.

Agad umano nitong kinontak ang kapatid ng biktima at sinabi ang pangyayari. Gayunman, nang tinangkang buhatin upang dalhin sa ospital ang biktima, dito na nila nadiskubre ang duguang katawan nito at may tama ng bala.

Sa pagsisiyasat ng pulisya, narekober nila ang slug ng bala sa katawan ng biktima at inaalam pa ang motibo at suspek sa pagpatay.

Show comments