May-ari ng meat store itinumba, utol sugatan

MANILA, Philippines — Patay ang isang negos­yante habang sugatan ang kanyang kapatid matapos pagbabarilin ng isang ‘di kilalang lalaki habang nagbubukas ng meat store ang magkapatid sa Rodriguez, Rizal kahapon ng madaling araw.

Ang nasawing biktima ay nakilalang si Jayson Luzon, 33, meat store trader habang sugatan ang kanyang kapatid na si Jay Boy Luzon, 25, butcher, kapwa residente ng Kasiglahan Village, Brgy. San Jose, Rodriguez.

Lumilitaw sa imbestigasyon ng Rodriguez Municipal Police, dakong alas-4:00 ng madaling araw nang maganap ang krimen sa tindahan ng karne ng mga biktima.

Kasalukuyan na umanong naghahanda ang magkapatid upang magbukas ng tindahan nang bigla na lang duma­ting ang salarin at kaagad silang pinagbabaril saka mabilis na tumakas.

Naisugod pa sa H-Ville Hospital ang mga biktima ngunit binawian din ng buhay si Jayson.

Show comments