Negosyante ninakawan na, pinatay pa!
P1.8 milyong cash, alahas, sasakyan tangay
CAVITE, Philippines — Patay ang isang kilalang negosyante makaraang tadtarin ng saksak ng tatlong hinihinalang miyembro ng “akyat-bahay gang” na sumunggab sa kanya sa loob ng kanyang sasakyan habang pina-park nito saka kinaladkad papasok ng kanyang tahanan na ikinadamay ng kanyang asawa, kamakalawa sa Brgy. Burol Main, Dasmariñas City.
Nagtamo ng maraming saksak sa katawan ang biktima na kinilala sa alyas na Wil, residente ng Chester Place Subdivision, Brgy. Burol-Main, Dasmariñas City, Cavite, at kilalang negosyante sa nasabing lungsod.
Sa imbestigasyon ng Dasmariñas Police, alas-2:40 ng madaling araw nang maganap ang krimen sa mismong tahanan ng biktima.
Lumalabas na habang sakay ang biktima ng kaniyang Toyota Hilux Conquest 2020 na may plate number DAT 1211 papasok na ng kaniyang bahay at magpa-park na sa kanilang parking area nang biglang lumutang ang tatlong suspek saka siya mabilis na sinunggaban at pilit na sumakay sa sasakyan nito.
Tinutukan ng mga suspek ang biktima ng baril at patalim bago sinabihan na ituloy ang pagda-drive papasok ng kanyang bahay.
Agad binitbit ng mga suspek ang biktima at sabay-sabay silang pumasok sa loob ng bahay saka mabilis na iginapos ang biktima at maging ang kanyang misis na si alyas Annie na nadatnan sa loob ay iginapos din.
Agad na hinalughog ng mga suspek ang bahay at nilimas ang nasa P1,800,000 cash, mga mamahaling alahas at mahahalagang gamit sa loob ng bahay.
Hindi pa nakuntento ang mga suspek, pinagsaksak pa nila ang negosyante saka sila mabilis na sumakay sa nasabing sasakyan na kanilang ginamit sa pagtakas.
Nang makaalis ang mga suspek, agad namang humingi ng tulong ang nakagapos na misis at dinala sa pagamutan ang biktima subalit dahil sa dami ng saksak na tinamo sa iba’t ibang bahagi ng katawan, siya ay idineklarang dead-on-arrival.
- Latest