Traffic enforcer ng Bacoor, itinumba ng tandem
Habang nagmamando ng trapiko
CAVITE, Philippines —- Pinagbabaril ng riding-in-tandem ang isang traffic enforcer habang abala sa pagmamando ng trapiko sa kalsada ng Brgy. Talaba 4 sa Bacoor City, kamakalawa ng gabi.
Hindi na umabot nang buhay sa pagamutan ang biktima na kinilalang si Edgar Domingo, nasa hustong gulang, traffic enforcer ng lungsod ng Bacoor.
Sa ulat ng pulisya, alas-8:30 ng gabi nang maganap ang pangyayari, kasalukuyang naka-duty ang biktima sa kahabaan ng Brgy. Talaba IV, intersection ng Zapote Kalinisan Road at nag-a-assist ng traffic nang dumating ang isang Honda Air Blade na motorsiklo sakay ang dalawang suspek at sunud-sunod siyang pinagbabaril.
Kapwa naka-helmet umano ang dalawang suspek at itim na jacket.
Inaalam pa ng pulisya ang motibo sa pamamaril na maaaring may kinalaman umano sa trabaho ng biktima.
- Latest