Pagdagsa ng Chinese studes sa Tuguegarao ‘di banta sa national security – Governor Mamba
MANILA, Philippines — Tahasang sinabi ni Cagayan Gov. Manuel Mamba na hindi banta sa seguridad ng bansa ang pagdagsa ng mga Chinese students sa mga kolehiyo at unibersidad sa Tuguegarao, Cagayan.
Ang pahayag ni Mamba ay tugon sa kahilingan ng dalawang mambabatas na imbestigahan ang pagdami ng Chinese nationals sa lalawigan bunsod ng tensiyon sa West Philippine Sea.
“Bakit tayo matatakot sa estudyante? Pero hindi tayo natatakot sa napakadaming military equipment na dumadating dito sa atin,” ani Mamba.
Ayon kay Mamba, legal ang pagpasok sa bansa ng mga Chinese students sa ilalim ng Chinese learning institutions at ng Commission on Higher Education (CHED).
Aniya, maging ang Department of Foreign Affairs (DFA) ay nag-isyu ng visas para sa mga Chinese students at napakasuwerte ng Pilipinas na pinipili ng mga nasabing foreign students na mag-aral sa Cagayan.
Sinabi ni Mamba na hinihikayat ng Pilipinas sa pamamagitan ng CHED ang mga Chinese students na mag-aral sa bansa.
“Ang dami naming Chinese dito. We have a very vibrant Chinese community here because ito yung pasukan ng Chinese since time immemorial,” dagdag ng gobernador.
Wala rin umanong pagtaas ng krimen sa bansa nang magsimula ang naturang CHED program
- Latest