Swedish national tepok sa sunog sa Talisay
MANILA, Philippines — Patay ang isang Swedish national habang aabot sa mahigit P1.6 milyon ang pinsala sa ari-arian sa tatlong insidente ng sunog na naitala sa Talisay City, Cebu sa loob lamang ng 2 araw, ayon sa ulat nitong Sabado.
Sa report ng Talisay City Bureau of Fire Protection (BFP), nasawi ang banyagang si Martin Ask, 68-anyos, nang sumiklab ang sunog sa may dalawang palapag na bahay sa loob ng isang compound sa Brgy. Isidro ng nasabing lungsod noong Huwebes ng gabi.
Ang biktima ay isang “bedridden” o nakaratay sa kanilang tahanan dahil sa sakit at mahina na kaya nabigong makalabas ng kaniyang silid at nabigo na ring masagip ng mga rescuers dahil nababalutan na ng apoy ang buong kabahayan.
Bandang alas-7:03 ng gabi nang maitala ang sunog sa dalawang palapag na tahanan na pag-aari ni Jose Bas pero ibang pamilya ang nakatira rito.
Ganap na alas-7:06 ng gabi nang mairekord ang unang alarma sa sunog at dakong alas-7:31 na ng gabi nang maideklarang under control na ito at ilang minuto pa bago tuluyang naapula.
Samantala, nasa P1,680,000 milyon naman ang halaga ng napinsala sa nasabing insidente. Nasa pitong indibidwal naman mula sa isang pamilya ang apektado ng sunog.
Ilang oras pa, sumiklab ang ikalawang sunog sa Sitio San Miguel, Brgy. Linao, Talisay City. Samantalang bandang alas-3 naman ng madaling araw nitong Biyernes ay isa pang sunog ang naganap na nakaapekto sa dalawang magkatabing kabahayan. Ang sunog ay kagagawan ng isang lasing na lalaking kinilalang si Vince Niño Mendoza, 19-anyos na nagsindi ng apoy na kumalat at tumupok sa dalawang bahay sa lugar.
- Latest