Bomb-making depot ng NPA, nadiskubre sa Abra
BAGUIO CITY, Philippines — Nakubkob ng tropa ng pamahalaan ang isang malaking makeshift bomb-making depot o pagawaan ng bomba na inabandona ng komunistang gerilya sa liblib na lugar ng Nagcanasan sa Pilar, Abra, matapos ang naganap na engkuwentro nitong Martes ng hapon na nagresulta sa paglikas ng higit 100 residente.
Ayon kay Army Major Bryan R. Albano, Civil-Military Operations Officer ng 501st Infantry Brigade, nadiskubre sa nasabing pagawaan ng bomba ang iba’t ibang improvised explosive devices, home-made grenades, mga parte ng rifle, kasama pa ang ammonium phosphate na ginagamit sa paggawa ng bomba at iba pang tools sa pagbuo ng bomba sa inabandonang rebel camp.
Hininala ng militar, mabilis na nilisan ng mga rebelde na pinaniniwalaang mga kasapi sa ilalim ng Kilusang Larangang Gerilya North Abra ng Ilocos Cordillera Regional Committee ng CPP-NPA, ang kanilang kampo matapos matunugan na papalapit na ang tropa ng pamahalaan na minomonitor ang kanilang pagkilos.
Nagkaroon umano ng sagupaan sa pagitan ng mga rebelde at tropa ng militar nitong Martes na nagbunsod ng aerial strike ng Philippine Air Force at paglikas ng mga residente sa lugar.
Ang mga rebelde na unang nasa 15 ang bilang ay maaaring umabot umano ito sa 30 dahil na rin sa pagkakadiskubre sa abandonadong rebel camp at arms depot.
Ayon kay Army Major Rigor Pamittan, spokesperson Philippine Army’s 5th Infantry Division, ang mga rebelde na nagsitakas sa iba’t ibang direksyon na maaaring bumuo uli ng grupo sa ibang lugar ay lubhang mahihirapan sa pakikipaglaban sa puwersa ng gobyerno.
“The security forces with the help of the people of Ilocos will ensure that there terrorist group will not cross Ilocos region,” pahayag ni Pamittan.
- Latest