Tinyente, patay sa salpok ng ambulansya
SANTIAGO CITY, Isabela, Philippines — Nasawi ang isang opisyal ng pulisya matapos masalpok ng ambulansya ang sinasakyang motorsiklo sa Barangay Baligatan, Ilagan City ng lalawigang ito, ayon sa ulat kamakalawa.
Kinilala ang nasawing biktima na si P/Lt. Joaquin Accad, 49, residente ng Enrile, Cagayan.
Nakilala naman ang driver ng ambulansya na si Hilario Pasion, 50, residente ng San Jose, Delfin Albano, Isabela.
Napag-alaman sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya na galing sa magkasalungat na direksyon ang motorsiklo na minamaneho ng biktima at ang ambulansya na minamaneho ni Pasion nang umagaw umano sa linya ang ambulansya na naging dahilan para masalpok ang kasalubong na motorsiklo ng biktima sa palikong bahagi ng lansangan.
Bilang resulta ay nagtamo ng mga malalang sugat sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan ang biktima na mabilis na isinugod sa pagamutan subalit idineklarang dead-on-arrival.
Kusa namang sumuko sa mga awtoridad ang driver ng ambulansya na nasa pangangalaga ngayon ng Ilagan City Police Station.
- Latest