92 na patay sa landslide sa Davao de Oro
MANILA, Philippines — Sumampa na sa 92 ang bilang ng mga nakuhang patay sa Davao de Oro landslide matapos na maganap ang insidente ng pagguho ng lupa sa Barangay Masara, Maco, Davao de Oro.
Ito ang pinakahuling datos na inilabas ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng Maco kahapon.
Ayon pa sa MDRRMO, nasa 36 na katao pa ang nawawala sa insidente na patuloy na sinisikap na mahukay at mahanap.
Magugunitang nasa 32 ang nailigtas sa naturang landslide na nagbaon sa ilang bahay, isang barangay hall, tatlong bus at isang jeep. Halos tatlong araw matapos ang pagguho ng lupa mula sa kabundukan, isang 3-anyos na batang babae ang buhay na nakuha.
Patuloy ang search and retrieval operation na nasa ika-10 araw na matapos ang malagim na pagguho.
Ipinatigil na rin ng local government unit ang “search, rescue and retrieval operations” habang “search and retrieval operations” na lamang ang isasagawa bunsod ng mababang tsansa na makakuha pa ng buhay sa mga natitirang natabunang biktima.
Umabot naman na sa P228.265 milyong halagang ayuda na ang naibibigay sa ngayon sa mga residente ng Northern Mindanao, Davao Region at CARAGA kabilang ang food packs, personal na kagamitan at medical supplies.
- Latest