6 paaralan sa Nueva Ecija, kinabitan ng rainwater collectors ng DPWH
CABANATUAN CITY, Nueva Ecija, Philippines — Naglagay ng anim na Rainwater Collector Systems (RWCS) ang Department of Public Works and Highways (DPWH) sa anim na pampublikong paaralan sa lalawigan ng Nueva Ecija.
Ang mga iskul na nalagay ng RWCS ay kinabibilangan ng Bibiclat Elementary School at Vicente R. Bumanlag National High School sa bayan ng Aliaga, NE; San Agustin Elementary School, Bertese Elementary School, Galvan Elementary School at Bantug Elementary School sa bayan ng Guimba, NE.
Sinabi ni Nueva Ecija 1st OIC- District Engineer Osias Santos na ang paglalagay ng RWCS sa mga pampublikong pasilidad tulad ng mga paaralan ay naaayon sa direktiba ni DPWH Secretary Manuel Bonoan na tumulong sa pag-iwas sa epekto ng mga banta sa klima.
“Ang paglalagay ng RWCS ay magdudulot ng magandang benepisyo sa ating mga komunidad, lalo na sa mga pampublikong paaralan kung saan ang mga kabataang mag-aaral ay binibigyang kakayahan na maunawaan ang kahalagahan ng tubig” dagdag niya.
“Ang inisyatiba na ito ay hindi lamang tumutugon sa mga alalahanin na may kaugnayan sa water shortage, ngunit tinitiyak ang isang maaasahang suplay ng tubig para sa mga institusyong pang-edukasyon” diin ni Santos.
May kabuuang P2.3 milyon ang inilaan para sa proyekto, na pinondohan sa pamamagitan ng 2023 General Appropriations Act, sa ilalim ng Convergence and Special Support Program.
Ito rin ay bilang pagsunod sa Republic Act 6716, na nag-uutos sa pagtatayo ng mga rainwater collectors sa bawat komunidad sa bansa.
- Latest