20 ‘nangingikil’ sa mga banyaga, timbog sa raid
MALOLOS CITY, Bulacan, Philippines — Arestado ang 20 indibiduwal na nambibiktima at nangingikil umano sa mga banyaga na may malalaswang larawan sa isinagawang pagsalakay ng mga awtoridad sa lungsod na ito kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang isa sa naarestong suspek na si Joselito Buenavista, 28, may-asawa, residente ng Sagrada, Familia, Hagonoy, Bulacan habang hindi pa tinukoy ang pagkakakilanlan ng 19 pang indibiduwal na umano’y kasabwat sa illegal na aktibidad.
Sa report, ikinasa ang operasyon ng Provincial Intelligence Unit katuwang ang PIT Bulacan West RIU 3, RACU 3 at Malolos Police bandang alas-10:00 ng gabi nitong Enero 25 sa Brgy. Pinagbakahan ng naturang lungsod.
Nabatid na nahuli sa akto ang mga suspek sa harap ng mga computer set na nananakot at nangingikil umano sa mga dayuhan kapalit ang hindi pagpapakalat ng kanilang mga malalaswang larawan at video.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Section 4 (c) (1) ng RA 10175 habang nakakulong sa naturang yunit.
- Latest




















