Pulis todas sa sariling baril, ‘di inambus

MANILA, Philippines — Patay ang isang pulis matapos na aksidenteng mabaril umano ang sarili at hindi tinambangan sa inisyal na ulat nitong Sabado sa Negros Oriental.
Dead-on-the-spot ang biktima na kinilalang si Police Staff Sergeant John Kelly Catedral, nakatalaga sa La Libertad Municipal Police Station.
Sa report ng Negros Oriental Police Provincial Office, nangyari ang insidente dakong alas-10:45 ng umaga sa Sitio Looc, Brgy. Martilo, La Libertad, Negros Oriental.
Lumilitaw na nagmamaneho si Catedral ng kanyang scooter patungo sa La Libertad Proper nang huminto sandali sa kalsada upang ayusin ang kanyang long firearm na Galil assault rifle na isyu sa kanya.
Nakita ng ilang saksi na inilagay umano ni Catedral ang baril sa stepboard ng kanyang scooter.
Pero makalipas ang ilang minuto ay nakarinig na lamang ang mga saksi ng isang putok ng baril at nakita si Catedral na nakahandusay na sa kalsada.
Posibleng pumutok ang dalang armas ng biktima na tumama ang bala sa kanya.
Narekober sa ilalim ng scooter ni Catedral ang empty cartridge ng 5.56 caliber rifle.
Sa kabila nito, nagsasagawa pa rin ng imbestigasyon ang pulisya sa insidente.
- Latest
























