Planong Tampakan mining project sa South Cotabato, sinuportahan
COTABATO CITY, Philippines — Sinusuportahan at malugod na inaantabayanan na ng mga local officials at mga residenteng Blaan sa apat na magkalapit na bayan sa Central Mindanao ang napipintong pagsisimula ng mga preparasyon ngayong 2024 para sa pagmimina ng copper at gold sa Tampakan, South Cotabato.
Ang naturang nakaprograma ng pagsisimula ng ground works para sa pagmina ng hindi bababa sa US$200 billion na halaga ng copper at gold sa mga ancestral domains ng tribong Blaan sa Tampakan ay may pahintulot ng Malacañang at ng National Commission on Indigenous Peoples.
Sa hiwalay na pahayag nitong Linggo, tiniyak nina Mayor Maria Theresa Constantino ng Malungon, Sarangani; Mayor Joel De Guzman Calma ng Kiblawan, Davao del Sur at Vice Mayor Naila Mamalinta ng Columbio, Sultan Kudarat na magiging malaki at malawak ang benepisyong matatamo ng mga Blaan mula sa Tampakan Copper-Gold Project na noong 1995 pa sana dapat nasimulan.
Ayon sa tatlong local officials at sa mga Blaan tribal leaders sa Tampakan na sina Bai Dalena Samling at Domingo Collado, na mga kinatawan ng tribo sa kanilang Sangguniang Bayan, nito lang 2023, aabot sa P66 million ang ginastos ng Sagittarius Mines Incorporated (SMI) para sa mga health, education at social welfare projects na magkatuwang na isinagawa mula January 2023 ng kumpanya at local government units ng apat na bayan na sakop ng nakatakda ng mining operation nito.
Ayon kay Mamalinta at Constantino, mahigit P2 billion na ang pondong naitustos ng SMI nitong nakalipas na pitong taon para sa mga corporate social responsibility projects nito sa kabila na hindi pa ito nakakapagmina ng copper at gold sa Tampakan simula’t sapol.
Nabatid na ang SMI ang binigyan ng permit ng tanggapan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na magsagawa ng Tampakan Copper-Gold Project sa nasabing lugar.
- Latest