P2.6 milyong cocaine napulot sa tabing dagat
MANILA, Philippines — Umaabot sa P2.6 milyong halaga ng hinihinalang cocaine ang napulot ng isang residente matapos na mapadpad sa may dalampasigan ng Sitio Malazur, Brgy. San Lorenzo, Mauban, Quezon nitong Biyernes ng gabi.
Sa ulat ng CALABARZON Police, dakong alas-9 ng gabi habang naglalakad sa may tabing dagat si Emilio Geriba, residente sa lugar nang mapansin nito ang kung anong bagay na hinahampas ng alon sa dalampasigan.
Ang napulot na epektos ay nakasilid sa isang plastic container kaya agad niya itong ipinagbigay alam sa kanilang Barangay.
Nang matanggap ang impormasyon ay agad namang nagtungo sa lugar ang mga elemento ng Special Operations Unit-4A at Philippine National Police-Drug Enforcement Group (SOU-4 A) at ininspeksyon ang mga container at lumabas na ito ay cocaine.
Ang napulot na cocaine ay tumitimbang ng humigit kumulang 500 gramo na nagkakahalaga ng mahigit P2.6 milyon.
Pinaniniwalaan namang ang nasabing halaga ng cocaine ay pag-aari ng sindikato ng droga na maaaring nalaglag sa dagat habang ibinibiyahe ang mga illegal na kargamento.
Isinailalim na sa kustodya ng SOU-4A PNP-DEG ang nakumpiskang cocaine na susuriin sa laboratoryo.
Samantala, patuloy rin ang masusing pagsisiyasat sa kasong ito upang mabatid kung sino ang nasa likod ng nakumpiskang droga.
- Latest