Bagong minister suportado ng BARMM employees
COTABATO CITY, Philippines — Tiniyak nitong Huwebes ng mga kawani ng Bangsamoro local government ministry ang kanilang suporta sa peace and development programs ng kanilang bagong talagang minister, katulad din ng kanilang ipinaabot sa pinalitan nitong bumitaw na sa puwesto.
Maliban sa pagiging tagapamuno ng Ministry of the Interior and Local Government-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, ang abogadang si Sha Elijah Dumama Alba ay kasapi rin ng BARMM parliament na may 80 na mga miyembro.
Siya ay itinalagang local government minister ni BARMM Chief Minister Ahod Ebrahim kasunod ng pag-resign sa naturang pwesto ng abugadong si Naguib Sinarimbo dalawang linggo na ang nakakalipas.
Nagpahayag nitong Huwebes sa mga reporters dito sa Cotabato City ang mga kawani ng MILG-BARMM sa anim na probinsya at tatlong lungsod sa autonomous region ng kanilang kooperasyon sa pamamalakad ni Alba ng naturang ahensiya.
Ayon sa mga empleyado ng MILG-BARMM, kabilang sa kanila ang mga provincial directors ng ministry, aalalayan din nila si Alba sa pamamahala nito ng Bangsamoro Rapid Emergency Action on Dsaster Incidence na binubuo ng mga bihasang mga rescuers at mga calamity responders na may mga ambulansya at mga rescue vehicles.
- Latest