Inmate nakatakas sa kanyang bantay na pulis
MANILA, Philippines — Isang inmate na may kasong droga ang nakatakas sa kanyang police escort habang papunta sa ospital dahil umano sa iniindang sakit sa dibdib sa Teresa, Rizal nitong Miyerkules ng gabi.
Kaya naman agad na sinibak sa kanyang puwesto si Chief Master Sergeant Rene Flohimon, na nakadestino sa Teresa station at nahaharap sa kasong criminal at administratibo.
Ayon kay Captain Mariesol Tactaquin, Rizal police director na agad isinalang sa inquest proceeding para sa kasong criminal si Flohimon at pansamantalang inalis sa puwesto.
Batay sa ulat, alas-7:00 ng gabi habang papunta sina Flohimon at ang inmate na si Ryan Lozano, alias Ryan, para sa medical check up ng huli na umano’y sumasakit ang dibdib.
Habang binabaybay ang kahabaan ng madilim na bahagi ng Corazon C. Aquino Avenue, Barangay Prinza ay nagawa ni Lozano na mabuksan ang harapang pinto ng sasakyan na PNP marked vehicle at mabilis na tumalon at nagtatakbo sa madilim na bahagi na lugar.
Ang suspek ay naaresto noong Oct. 10 at nakakulong sa nasabing police stations sa loob ng dalawang buwan nang ito umano ay makaramdam ng paninikip ng dibdib at nahihirapang huminga kaya’t dinala sa ospital.
Bumuo na ang pulisya ng tracker team operatives upang muling maaresto ang suspek.
- Latest