P.2 milyong reward alok vs killer ng kapitan
CAMP NAKAR, Lucena City , Philippines — Bukod sa tuloy-tuloy na paggalugad ng binuong tracker team ng Quezon Police Provincial Office (QPPO), nag-alok na rin ng P200,000 na pabuya ang Pamahalaang Bayan ng Sariaya at Pamahalaang Panglalawigan ng Quezon para sa makapagtuturo o makakapagbigay- impormasyon sa suspek na bumaril at pumatay sa isang kapitan ng barangay sa Sariaya, Quezon noong araw ng Sabado.
Personal ding ipinaabot ni PCol. Ledon D. Monte, QPPO Director ang taos-pusong pakikiramay ng buong hanay ng QPPO sa naiwang pamilya ni Barangay Captain Benedicto Alcaide Robo ng Brgy. Guis-Guis San Roque, Sariaya, Quezon.
Si Robo ay namatay matapos siyang pagbabarilin ng suspek na si Marvin Fajarda Flores na dagliang tumakas matapos ang insidente.
Magugunita na noong Sabado ng gabi ay sinaway ni Kapitan Robo ang suspek dahil sa naging asal nito sa ginaganap na liga ng basketball sa barangay dahil sa impluwensiya ng alak.
Nauwi sa mainit na pagtatalo ang nasabing paninita at para hindi na lumaki pa ang kumosyon ay umiwas na lamang sa basketball court ang tserman subalit sinundan pa rin siya ng suspek saka pinagbabaril.
- Latest