Bangka tumaob: 5 magkakaanak patay!
Nanguha ng tulya sa Cagayan River
ILAGAN CITY, Isabela, Philippines — Limang magkakamag-anak kabilang ang tatlong menor-de-edad ang nasawi matapos malunod nang tumaob ang kanilang sinasakyang bangka sa Cagayan River na bahagi ng Barangay Naguilian Sur sa lungsod na ito, noong Huwebes ng hapon.
Sa naantalang ulat ng pulisya, kinilala ang mga nasawing mga biktima na sina Mervin Balubar, 36; Crisel Valdez, 43; at mga batang sina Reniel Dela Cruz, 9; Mark EA Catolico, 6, at Andrea Balubar, 5; pawang residente sa nabanggit na lugar.
Nakaligtas naman ang iba pang kapamilya na nakilalang sina Ronaldo Ballesteros, 56; Beverly Alvarez, 16; Mary Joy Alvarez, 6; Cristine May Balubar, 9; at Angeline Balubar, 30.
Sa inisyal na ulat ng pulisya, sakay sa isang bangka ang magkakamag-anak na nagtungo sa nasabing ilog para manguha ng tulya na kanilang ibebenta.
Pauwi na sana ang mga biktima matapos makakuha ng mahigit sa kalahating sako ng tulya nang mapasok ng tubig ang kanilang bangka sa kalagitnaan ng malawak na ilog na naging sanhi para tumaob at tangayin sila ng agos, noong Huwebes ng hapon.
Nagawa namang makalangoy ang ibang mga kaanak at nakaligtas sa trahedya.
Unang natagpuan ang katawan ng mga paslit na sina Catolico at Dela Cruz ng mga rumespondeng rescue personnel habang ang bangkay ng tatlong iba pa ay narekober noong Biyernes.
Ayon kay Brgy. Captain Ferdinand Salvador, ang mga biktima ay kabilang sa mga mahihirap na pamilya sa kanilang lugar kung saan naghahanapbuhay lamang sila sa pamamagitan ng arawan sa mga bukid at pangunguha ng tulya para may maibenta.
Dahil dito, nanawagan ang opisyal ng barangay ng tulong para sa mga naiwang pamilya ng mga biktima na kasalukuyang pinaglalamayan sa isang purenarya.
- Latest