‘Kalayaan, ‘di lang sa mga nakakataas sa lipunan’ - CJ
Gesmundo Mensahe sa ika-125 Independence Day
MANILA, Philippines — Pinaalalahanan ni Supreme Court Chief Justice Alexander Gesmundo ang mga pinuno ng bansa na ang tinatamasang kalayaan ng Pilipinas ngayon ay hindi lang para sa iilan na nakakataas sa lipunan ngunit para sa lahat ng mamamayan ng bansa.
Sa kaniyang talumpati sa Barasoain Church sa Malolos City, Bulacan bilang panauhing pandangal kahapon sa pagdiriwang ng ika-125 Araw ng Kalayaan ng Pilipinas, sinabi ni Gesmundo na ang kalayaang tinatamasa sa ngayon ay dapat para sa buong sambayanan at hindi lang para sa iilan.
Iginiit niya na kailangang mas malawak at mas malalim ang pagtingin sa ngayon sa depinisyon ng kalayaan na hindi lang dapat nakatuon sa pag-alpas sa mga mananakop. Dapat umano ipakahulugan ngayon ng kalayaan ang pagiging malaya ng bansa sa gutom, sa kahirapan, sa pangamba at kawalan ng katarungan.
“Ang kalayaan na mabuhay ng masaya, ng may dignidad, ng may pagmamahal, na may pag-asa, kung nakalaan ang kalayaan sa iilan, hindi magiging makabuluhan at magiging ganap ang ating kalayaan,” saad ni Gesmundo.
Nabatid na itinutulak ngayon sa Korte Suprema na magkaroon ng kalayaan sa patas na batas ang publiko sa pamamagitan ng repormang isinusulong nila sa ilalim ng Strategic Plan for Judicial Innovations 2022-2027 o STJI.
Sa ilalim nito, pipilitin umano ng hudikatura na maihatid ng agaran o “real time” ang hustisya. Babaguhin din nila ang korte bilang mas maliksi, mas makabago at mas malapit sa tao.
Sa panig ni Bulacan Gov. Daniel Fernando, naniniwala siya na tungkulin ng mga tao na gamitin ang biyaya ng kalayaan upang tulungan ang ibang tao at bigyan sila ng kakayahan na kontrolin ang isang bagong rebolusyon sa kanilang buhay, hanapbuhay, at hinaharap.
“Tayo ay tinatawagan na mag-ambag ng kakayahan at lakas upang palayain ang ating bayan sa patuloy na pagkaalipin, kawalan ng oportunidad sa buhay, kakulangan ng proteksyon sa lipunan, at mga banta ng kalamidad at karahasan,” anang gobernador. - Omar Padilla
- Latest