Tangkang pag-atake ng NPA sa Quezon, napigil ng taumbayan
MACALELON, Quezon, Philippines — Hindi nagtagumpay ang teroristang New People’s Army (NPA) na mapasok at makabalik sa Brgy. Vista Hermosa sa bayang ito dahil sa pakikipagtulungan ng taong bayan.
Ayon sa ulat ni Quezon Police Provincial Office (QPPO) Director PCol. Ledon Monte, noong ika-25 ng Marso 2023 ay isang grupo ng mga rebelde ang namataan sa kagubatan ng barangay at ipinagbigay-alam kaagad ng mga residente sa mga sundalo at pulis.
Nagkaroon ng may ilang minutong engkwentro sa pagitan ng dalawang grupo at kaagad namang tumakas ang mga rebelde nang makitang may dumarating na reinforcement mula sa tropa ng pamahalaan.
Nakuha sa pinangyarihan ng putukan ang 2 improvised explosive device, 1 caliber. 45 pistol, 1 blasting cap, mga bala ng baril at backpack na naiwan ng mga tumakas na rebelde.
Walang nasugatan sa parte ng pamahalaan, subalit may mga bakas ng dugo mula sa encounter site na hinihinalang mula sa mga sugatang kalaban ng estado.
Ayon kay Lt. Col. Joel R Jonson, battalion commander ng 85IB, PA, sinubukang balikan ng mga rebeldeng NPA ang bayan ng Macalelon na nadeklarang Stable Internal Peace and Security (SIPS) subalit dahil sa pakikipagtulungan ng mga mamamayan ay agad na nasira ang plano nila nang maghasik muli ng takot at karahasan.
- Latest