50 bahay winasak ng buhawi, 2 sugatan
MANILA, Philippines — Winasak ng buhawi ang nasa 50 kabahayan sa magkakahiwalay na lugar sa bayan ng Oton, Iloilo at Iloilo City kung saan dalawa katao ang sinasabing sugatan, kahapon ng umaga.
Batay sa imbestigasyon na naganap ang insidente dakong alas-5 ng umaga nang mabagsakan ng puno ang bahay ng maglola na sina Vilma Villarete 63, at 9-anyos na apo sa Brgy. Sta. Cruz, Arevalo, Iloilo.
Sa report ng Arevalo Police Station, natutulog ang maglola nang dumaan ang buhawi sa kanilang lugar at tinamaan ang bahay na gawa sa light materials.
Lumilitaw sa datos ng Iloilo City Social Welfare Office, 39 na bahay ang nasira sa bagsik ng buhawi kung saan 21 sa Brgy. Sto Domingo at 18 naman sa Brgy. Sta. Cruz.
Ayon pa sa ulat, dalawang residente ang nagtamo ng sugat nang mabagsakan ng puno ng mangga ang kanilang bahay.
Natumba rin ang mga poste sa dalawang barangay.
Samantala, sa bayan ng Oton, 15 bahay sa Barangay Alegre ang nasira at ilang puno ang pinabagsak ng buhawi.
Inilikas naman agad ng mga awtoridad ang mga residente patungo sa ligtas na lugar.
Inaalam umano ng mga awtoridad ang kabuuang bilang ng mga apektadong bahay at halaga ng nasirang ari-arian.
- Latest