15 mag-aaral tinamaan ng FMD sa Albay, mga klasrum isinara
LEGASPI CITY, Albay, Philippines — Pansamantalang isinara ang ilang classrooms ng Albay Central School ng lungsod na ito kamakalawa para bigyang daan ang ginawang disinfection matapos na 15 na mag-aaral sa Grade 1 at Kindergarten ang tinamaan ng foot and mouth disease (FMD) na sakit na nakukuha sa baboy.
Sa panayam kay Principal lll Melissa Carretero, sinabi na nagsimula umano ang sakit sa isang Grade 1 pupil noong Nobyembre 9 na hindi pinapasok ng magulang dahil may lagnat at nalaman sa kanyang pediatrician na tinamaan ito ng FMD.
Gayunman, maliban sa Grade 1 pupil, ilan pang grade schoolers at kinder ang magkakasunod na nakaranas ng magkakaparehong sintomas gaya ng rashes at lagnat hanggang sa umabot ng 15 batang mag-aaral ang kumpirmadong tinamaan ng FMD.
Una namang napaulat na 42 na estudyante ang nakitaan ng sintomas ng FMD sa nasabing paaralan, pero nilinaw ng mga health authorities na hindi pa nakukumpirma kung lahat ng nasabing bilang ay tinamaan ng FMD maliban sa 15 na kumpirmado na.
Ayon kay Water and Sanitation Division chief William Sabater ng Albay Provincial Health Office, agad silang umaksyon sa panawagan sa kanila ni Carretero dahilan para agad silang nagkaroon ng dis-infection sa mga classrooms habang hindi muna pinapasok ang mga batang estudyante.
Nabatid na karamihan ng mga mag-aaral na nasa Grade 1 ay sumalang muna sa online class habang ang nasa Kinder ay modular learning class.
Posible umanong ang isa sa estudyante ay may alagang baboy ang pamilya dahilan para mahawa ito at nakahawa naman sa mga kaklase at sa iba pa.
Sa kanila nito, inihayag ng opisyal na walang dapat ipangamba ang mga magulang dahil maliit ang tsansang nakamamatay ito pero dahil sa itinuturing itong viral infection, Ito ay mabilis na nakakahawa sa pamamagitan ng hangin na pwedeng “swine to human at human to swine”.
Sinabi naman ni Legazpi City Health Officer Dr.Fulbert Alec Gillego, patuloy silang nakamonitor sa mga nagkasakit na estudyante at maging sa paaralan.
Nanawagan si Gallego sa lahat ng magulang at estudyante na parating maging malinis sa katawan at maghugas lagi ng kamay.
Nakikita ang mga sintomas ng hand and foot disease sa pagkakaroon ng sinat, rashes sa kamay, binti, sa bahagi ng puwet at minsan sa may lalamunan.
- Latest