Serbisyong medikal at reporma sa Quezon, ibinida
Sa first 100-days ni Gov. Tan
LUCENA CITY, Philippines — Minarkahan ni Dr. Helen Tan ang kanyang unang isang daang araw sa puwesto bilang kauna-unahang gobernadora ng probinsya ng Quezon at tampok sa ulat nito ang kanyang mga inilunsad na serbisyo at reporma sa lalawigan.
Sa kanyang First 100-days Address kahapon na ginanap sa sesyon ng Sangguniang Panlalawigan na pinamumunuan ni Vice Governor Anacleto Alcala III, iniulat ni Gov. Tan ang maayos na paghahatid ng health services ng Quezon Medical Center (QMC) at naglaan ang kanyang administrasyon ng P120 milyon para sa paghahanda ng QMC sa pagiging Level III at Learning & Training Hospital ng mga medical students.
Sa kanyang pananalita, hindi rin naiwasang mabanggit ni Gov. Tan ang minana nitong pagkakautang ng lalawigan mula sa nagdaang administrasyon.
“We presided over the province one hundred days ago that is deep in debt and in financial disarray – isang lalawigang may malaking pagkakautang at masalimuot na pananalapi ang sa atin ay bumulaga,” anang gobernadora.
Tinukoy na ang P1.1-bilyong pagkakautang ng lalawigan ay ginamit para sa mga proyektong hindi pa napapakinabangan o ‘di naman kaya ay walang malaking pakinabang sa mamamayan.
Bilang bahagi ng pagsasaayos ng pananalapi ng lalawigan, ipinag-utos nito ang pagtatayo ng price monitoring committee sa ilalim ng General Services Office at ang pagtiyak na ang halaga ng lahat ng purchase requests ay alinsunod sa presyo sa merkado upang makatipid at maiwasan ang katiwalian.
Tampok din sa mga nagawa ni Gob. Tan ang pagtatayo ng Provincial Government Satellite Offices sa lahat ng lungsod at bayan sa lalawigan para sa mas mabilis at maginhawang paglalaan ng assistance sa mga nangangailangan.
Ibinida rin ng gobernadora ang agad na paghahanda at paghahatid ng tulong ng Kapitolyo para sa mga nasalanta ng Super Typhoon Karding kung saan nasa P37 milyon ang naipamahagi na financial assistance sa mga biktima.
“I am never as inspired and as committed as I am now because I know that in spite of the difficulties, in the face of the obstacles, and amid the challenges - change is possible, change can happen, and the people are rooting for us to make this change come true,” pahayag ni Tan.
Ang kanyang talumpati ay mainit namang tinanggap ng Sangguniang Panlalawigan at binigyang pugay ng iba’t ibang mga sektor. Ito ay dinaluhan ng mga opisyal mula sa national government agencies, local government units, non-government organizations, people’s organizations at private sector.
- Latest