Holdaper ng convenience store utas sa shootout

MANILA, Philippines — Patay sa engkuwentro ang isa sa mga suspect na sinasabing sangkot sa serye ng panghoholdap sa mga convenience store habang nakatakas ang dalawang kasamahan nito sa Rodriguez, Rizal kahapon ng madaling araw.
Ayon kay Col. Dominic Baccay, Rizal police director, inaalam pa nila ang pagkakakilanlan ng napatay na suspek habang nakuha dito ang isang caliber .38.
Sinabi ni Baccay, ang mabilis na responde ng mga kapulisan at barangay ang dahilan kaya napatay ang isa sa mga suspek na nanloob sa Alfamart Convenience sa Barangay Burgos, dakong alas-3:30 ng madaling araw.
Lumilitaw sa report ni Rodriguez Police chief Lt. Col. Marcelino Pipo na nagsasagawa ng pagpapatrol ang mga pulis nang makatanggap ng report mula sa security agency ng Alfamart.
Nakita sa CCTV ang pagpasok ng tatlong kalalakihan sa convenience store at nanguha ng ibat ibang bagay.
Subalit sa kanilang pagtakas ay namataan sila ng mga nagpapatrolyang pulis hanggang sa humantong sa palitan ng putok.
Malaki ang posibilidad ayon kay Baccay na ang tatlo ay responsable sa serye ng panghoholdap sa lalawigan ng Rizal.
- Latest



















