P16 kada kilo ng bigas nabibili na sa Zambales
ZAMBALES, Philippines — Nakakabili na ang mga mahihirap na residente sa bayan ng Botolan ng lalawigang ito ng halagang P16 kada kilong bigas o P100 naman sa bawat 6-kilo.
Nabatid na patok ngayon ang murang bigas na mabibili rin sa halagang P100 sa kada 6-kilo, sa ilalim ng Rice Subsidy Program ng lokal na pamahalaan ng Botolan.
Ang naturang programa ay inilunsad ni Botolan Mayor Jun Ebdane bilang tulong ng pamalahaang bayan sa kanilang mga mahihirap na residente.
Matatandaan na una nang ipinatupad ang rice subsidy program ni dating Mayor Bing Maniquiz na ngayon ay kongresista na ng ikalawang distrito ng Zambales na nagkakahalaga naman ng P20 kada kilong bigas o hanggang 5 kilo sa halagang P100.
Ang naturang programa ay ipinagpatuloy ni Mayor Ebdane na mas binabaan pa nito para makatulong sa kanyang mga nasasakupan at mabawasan na rin ang pasanin ng mga mamamayan sa patuloy na pagtaas ng mga bilihin sa bansa.
Mabibili ang mga murang bigas sa pamamagitan ng pagpunta ng LGU sa lahat ng barangay ng Botolan alinsunod sa kanilang itinakdang schedule.
- Latest