Mister dinukot, pinagtataga sa gulayan
MANILA, Philippines — Isang mister ang patay nang dukutin ng anim na ‘di kilalang lalaki sa kanilang tahanan sa Binangonan, Rizal at dinala sa bayan ng Morong saka pinagtataga sa isang gulayan kahapon ng madaling araw.
Mga taga sa leeg at katawan ang ikinasawi ng biktimang nakilalang si Marlon Medina, nasa hustong gulang, residente ng Binangonan, Rizal habang inaalam pa ng mga otoridad ang pagkakakilanlan ng anim na lalaking dumukot at pumatay sa kanya.
Batay sa ulat ng Morong Municipal Police, dakong alas-4:30 ng madaling araw ng Miyerkules nang matagpuan ang bangkay ng biktima sa gulayan sa Kalye Mahangin sa Brgy. Maybancal, Morong matapos magtungo sa kanilang himpilan ang kinakasama ng biktima na si Angelisa Villamer upang ireport ang nangyaring insidente.
Sa salaysay sa pulisya ni Villamer, dakong alas-10:00 ng gabi nitong Martes ay nagpapahinga na silang mag-partner sa loob ng kanilang tahanan sa Binangonan nang bigla na lang dumating ang mga suspek at puwersahang pumasok.
Sapilitan umanong tinangay ng mga suspek sina Medina at Villamer at saka kinaladkad patungo sa Morong, gamit ang kanilang sasakyan.
Pagsapit ng alas-2:00 ng madaling araw, ibinaba umano ng mga suspek ang biktima sa gulayan sa Kalye Mahangin at doon pinagtataga saka inabandona, habang si Villamer ay pinakawalan naman sa Tatala, Binangonan.
Nang makalaya ay kaagad namang nagtungo sa presinto si Villamer upang ireport ang pangyayari.
Sinamahan ng mga pulis si Villamer sa Kalye Mahangin kung saan inabandona ang biktima ngunit patay na ito nang kanilang datnan.
- Latest