Lider aktibista sa Panay inaresto kasabay ng anibersaryo ng NPA
MANILA, Philippines — Inaresto ng Philippine National Police (PNP) ang secretary general ng grupong Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN)-Panay na si Elmer Forro. matapos hainan ng warrant para sa reklamong "attempted murder" at "murder" — bagay na itinaon sa ika-53 anibersaryo ng rebeldeng New People's Army (NPA).
Pasado 4:10 a.m. ng Martes nang hulihin ng Western Visayas Police si Forro — isang aktibista mula sa ligal na organisasyong hindi armado — sa Sitio Bangko, Barangay Lutac, Cabatuan, Iloilo.
Ang warrants of arrest laban kay Forro ay ini-isyu ni Gemalyn Faunillo-Tarol, presiding judge ng Regional Trial Court Branch 26. Walang inirerekomendang piyansa para sa ikalawang reklamong murder.
Paliwanag ni PNP chief Police General Dionardo Carlos sa isang pahayag, itutuloy ng kapulisan ang police operations para ma-account ang mga miyembro ng NPA at mga kaalyado nitong sakop ng mga warrant.
"The [Communist Party of the Philippines]-NPA continues to wallow in irrelevance on the 53rd year of its campaign of terror and violence that has only made life more miserable for poor people in the countryside," ani Carlos sa isang pahayag.
"The CPP-NPA has nothing to celebrate because its anniversary serves only as a grim reminder of the thousands of Filipino lives lost over the past five decades of the underground movement’s murderous history."
Ang NPA na itinayo bilang armadong hukbo noong ika-29 ng Marso, 1969 sa pamumuno ng CPP upang agawin ang kapangyarihang pampulitika upang kalauna'y magtayo ng sosyalistang gobyerno sa ilalim ng mga komunista.
Layon nitong labanan ang kontrol ng mga dayuhan sa Pilipinas, kawalan ng repormang agraryo at pagpapatakbo sa gobyerno bilang negosyo.
Ligal ang membership sa CPP ngunit binansagan silang terorista ng Anti-Terrorism Council taong 2020. Sa kabila nito, naninindigan ang naturang grupo na sila'y mga rebolusyonaryo para sa mga manggagawa't magsasaka.
'Gawa-gawang kaso, hindi NPA'
Kinundena naman ng pamunuan ng BAYAN ang pag-aresto kay Forro, lalo na't hindi naman daw armadong rebelde ang nabanggit at walang kinalaman sa mga ipinaparatang ng PNP.
"The case stems from an action of the NPA in 2020 for which Forro has been implicated. Forro is not NPA but state forces have charged him nonetheless," giit ni BAYAN secretary general Renato Reyes Jr. sa isang pahayag.
"Like Dr. Naty Castro who was arrested recently, Forro was also arrested for an incident allegedly involving the NPA in their region. This is clearly weaponization of the law where legal activists are blamed for the actions of the NPA."
Dagdag pa ni Reyes, kaso ito ng red-tagging na nauwi sa legal consequences.
Aniya, kailangan nitong matigil at kundenahin ng publiko bilang abuso sa mga kritiko ng pamamalakad ng gobyerno.
- Latest