Municipal administrator sa Bulacan, tinambangan
MARILAO, Bulacan, Philippines — Himalang nakaligtas sa tiyak na kamatayan ang municipal administrator dito matapos na tambangan at paputukan ang sasakyan nito ng ‘di pa nakikilalang mga salarin kahapon ng umaga sa Brgy. Sta. Rosa 2 ng nasabing bayan.
Kinilala ni P/Lt. Col. Bernard Pagaduan, hepe ng Marilao police ang biktima na si Wilfredo Dela Cruz, 54 ng Brgy. Loma De Gato, Marilao, Bulacan.
Sa inisyal na imbestigasyon, dakong alas-7:45 ng umaga nang tambangan ng dalawang ‘di pa nakikilalang suspek ang biktima habang minamaneho nito ang kanyang Mitsubishi Montero na may conduction sticker na B4E851.
Sakay ng motorsiklo ang dalawang di pa nakikilalang suspek nang biglang sumulpot ang mga ito at pagbabarilin ng maraming beses ang sasakyan ng biktima na papunta naman ng Munisipyo ng Marilao.
Himalang nakaligtas ang biktima matapos na magtamo ng walong tama ng bala ng kalibre 45 baril ang windshield ng sasakyan ng biktima na tumagos sa loob ng sasakyan nito.
Mabilis na tumakas ang mga salarin patungong San Jose del Monte City, Bulacan matapos ang pananambang sa biktima. Ayon sa mga nakasaksi, nakasuot ng kulay orange na pangginaw, itim na pantalon at itim na sumbrero ang gunman habang ang driver ng motorsiklo ay nakasuot ng itim na jacket, asul na pantalon at itim na helmet.
Himalang hindi tinamaan ng bala ng baril ang biktima at tumuloy sa munisipyo matapos ang insidente. Inaalam pa ng mga otoridad ang motibo ng pananambang at patuloy ang imbestigasyon ng mga ito para sa agarang ikalulutas mg krimen.
Samantala, nanawagan ang mga otoridad sa mga nakakita o nakasaksi sa nasabing pananambang na makipag-ugnayan sa himpilan ng pulisya upang matukoy at makilala nila ang mga salarin.
- Latest
















