‘Stray bullet incidents’ iniimbestigahan ng PNP
MANILA, Philippines — Bagama’t itinuturing na “generally peaceful” ang pagsalubong sa Bagong Taon, sinabi ng Philippine National Police na kanila pa ring iimbestigahan ang mga insidente ng stray bullet sa Calabarzon, Northern Mindanao, Cordillera at Ilocos region.
Ayon kay PNP chief, Police Gen. Dionardo Carlos, isasagawa ng forensic at technical support ang imbestigasyon upang mapanagot ang responsable sa insidente ng stray bullets.
Batay sa record, 88 katao ang sugatan dahil sa paputok habang apat na kaso naman ng stray bullets ang natanggap ng PNP Command Center. Ito ay sumasailalim sa beripikasyon at imbestigasyon.
“Overall, the situation remains generally peaceful throughout the country with no major untoward incidents that marred the traditional festive Christmas and New Year revelry,” ani Carlos.
Aniya, matagal at paulit-ulit na ang paalala sa paggamit ng baril tuwing sasalubong sa Bagong Taon. Tama lamang na papanagutin ang mga lumabag.
Gayunman, sinabi ni Carlos na mababa ang bilang ng mga biktima ng ligaw na bala sa pagsalubong ng 2022 kumpara noong nakaraang taon.
- Latest