Pamilya nag-picnic sa ilog: 3 dalagita patay!
Masaklap na Bagong Taon
MANILA, Philippines — Napalitan ng matinding hinagpis ang masayang pagdiriwang ng Bagong Taon ng isang pamilya matapos malunod ang tatlo nilang miyembro sa kasagsagan ng kanilang picnic sa Balili River sa Barangay Upper Bimmutibot, Naguillian, La Union kamakalawa.
Dalawa sa mga biktima ang magkapatid na nasa edad 17 at 14 at pinsang 14-anyos na pawang mga residente ng Brgy. Dagup, Bagulin, La Union.
Sa imbestigasyon ng Naguillian Police, ang tatlong biktima kasama ang kanilang pamilya ay nagpunta sa naturang ilog para mag-picnic.
Nang matapos kumain ng tanghalian, sabay-sabay na lumusong sa ilog ang tatlong biktima para maligo.
Makalipas ang ilang minuto ay napansin ng mga kaanak na nawawala na ang tatlong dalagita kaya agad nilang hinanap hanggang sa makitang lumulutang na sa ilog kaya agad silang humingi ng saklolo sa pulisya.
Isinugod pa sa Naguillian District Hospital ang tatlong biktima subalit hindi na naisalba pa ng mga doktor.
- Latest